Muli umanong aakyat sa ring ang 46-anyos na si Manny Pacquiao para harapin at tangkaing agawin kay Mario Barrios ang WBC welterweight belt sa July 19, 2025 sa Las Vegas, ayon sa source ng ESPN.
Taong 2021 nang magretiro si Pacquiao na sumabak sa 72 laban kung saan 62 ang kaniyang naipanalo, walo ang talo, at dalawa ang tabla.
Nakatala na siya sa kasaysayan ng boksing bilang eight weight divisions champion mula sa flyweight hanggang super welterweight.
Dating senador si Pacquiao na tumakbong pangulo ng bansa noong 2022 elections pero bigong manalo.
Kandidato siyang muli bilang senador sa darating na May 12 mid-term elections.
Samantala, mayroon namang fight record ang 29-anyos na Amerikanong si Barrios na: 29-2-1 win-loss-draw.
Huling lumaban si Barrios noong nakaraang Nobyembre kontra kay Abel Ramos na nauwi sa draw o tabla. -- FRJ, GMA Integrated News