Isang 50-anyos na motorcycle rider na galing sa inuman ang nasawi matapos siyang madisgrasya habang pauwi sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nangyari ang aksidente sa bahagi ng R. Papa sa Barangay 196 dakong 2:00 a.m.

Ayon sa asawa ng biktima, na tumangging humarap sa camera, nagpaalam noong Huwebes ng gabi ang biktima na makikipag-inuman sa kaibigan sa Caloocan.

Gayunman, hindi na nakauwi ang kaniyang asawa, hanggang sa mabalitaan na lang nila na naaksidente na ito.

Ayon sa mga tauhan ng Barangay 196, hindi nakunan sa CCTV camera ang aktuwal na pangyayari. Pero batay sa kuha ng kabilang barangay, makikita ang biktima na tinatahak ang daan sa R. Papa.

“Stop po kasi tapos nag-go. Tapos um-overtake siya sa dalawang truck. Hindi namin alam kung may nakasagi sa kaniya o wala,” sabi ni Joey Leonardo, tanod ng Barangay 189.

Ayon sa barangay, pinaniniwalaang sumalpok sa center island ang biktima.

Halos mawasak ang motorsiklo ng biktima at tumalsik din ng ilang metro ang kaniyang helmet bago ito napulot at itinabi ng ilang naglilinis sa kalsada.

Dagdag ng barangay, madalas talagang nagkakaroon ng aksidente sa naturang lugar.

Sinabi naman ng kaibigan na huling kasama ng biktima na tinangka pa nilang pigilang umuwi si alyas Romy.

“Bago siya tumayo, kinuha niya ‘yung cellphone niya, nagpicture-picture kami. Sabi namin, “Baka hindi mo na kaya, huwag ka nang umuwi. O kaya uminom ka muna ng tubig para…’ ‘Huwag, sayang lang ‘yung lasing ko ‘pag uminom ako tubig,’” sabi ng lalaking huling kasama ng biktima.

“‘Pag pupunta ‘yan sa amin, pag-iinom, lagi siyang lasing. Pero nakakauwi naman siya,” sabi pa ng kasama ng biktima.

Patuloy ang pagkalap ng mga CCTV footage ng Manila District Traffic Enforcement Unit ng MPD para makita kung ano ang totoong nangyari sa biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA News