Sugatan ang isang lalaki matapos umano siyang barilin ng kaniyang kaibigan dahil sa pangungulit umano na humingi ng balato matapos manalo ang suspek sa isang online game sa Cebu City.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabi ng pulisya na humihingi ang biktima ng P50 na balato mula sa kaniyang kaibigan, na nanalo ng P500 sa online game.

Nang tumanggi ang suspek, nauwi umano sa pagtatalo ang dalawa hanggang sa bumunot ang suspek ng baril at pinaputukan ang biktima.

Tinamaan ang biktima sa kaliwang braso at kasalukuyang nagpapagaling.

Naaresto na ang suspek at nahaharap sa reklamong frustrated homicide. Tumanggi naman itong magbigay ng pahayag.— MCG GMA News