Masayang ikinuwento ni Apl.de.Ap na minsan niyang binalak na pormahan si Nicole Scherzinger pero ‘di na niya itinuloy matapos siya nitong tawaging ‘kuya.’
Sa panayam sa kaniya sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, natanong ang samahan ng Filipino-American artists na namamayagpag sa Amerika, at isa sa mga nabanggit si Nicole.
"One day, I hit up on her," pagsisiwalat ni Apl.de.Ap. "I'm like, 'Hey Nicole, do you wanna come over? I'm gonna cook you chicken adobo.'"
"She's like, 'Kuya! You're my kuya!' I was like aww, you know when they call you 'kuya,' it's over, you know," natatawang kuwento ni Apl.de.Ap.
Parang nakatatandang kapatid din umano ang tingin sa kaniya ni H.E.R.
"Every time I see H.E.R., she's like 'Kuya, we gotta do another song together, another 'Bebot.' I'm like, 'let's go,'" saad niya. "She's super proud and talented."
Nabanggit naman ni Apl.de.Ap ang samahan nila ni Bruno Mars, na minsan na rin niyang nakasa sa tour sa Europe.
"And [Bruno] just came back from the Philippines and was like, 'man, if another interviewer asks me about you!' I'm like, 'They're just proud,'" kuwento ni Apl.de.Ap.
"I really wanna do a song with Bruno, so one day," dagdag niya.
Inilabas kamakailan ni Apl.de.Ap ang three-track EP na “PPP.” Para sa kaniya, paraan niya ang mga kanta sa “PPP” para ipahayag ang pagmamahal sa kaniyang tinubuang-bayan.
Nais din niyang magbigay ng inspirasyon at lakas ng loob sa mga Pilipino sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng bansa.
Ka-partner ni Apl.de.Ap ang GMA Music para sa naturang EP.
Kasama ang Black Eyed Peas, nagtanghal si Apl.de.Ap sa Pilipinas noong Agosto 2025.
Kilala ang grupo sa mga hit na kantang “Bebot,” “I Gotta Feeling,” “Pump It,” at “Where Is the Love?” —Nika Roque/FRJ GMA News
