Ngayong Pasko, panahon ng pagbibigayan. Pero ang magkasintahang Barbie Forteza at Jak Roberto, may kasunduan daw na hindi na mag-e-exchange gift. Matitiis naman kaya nila ang isa't isa?

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag nina Barbie at Jak na nasa kaniya-kaniyang pamilya sila sa magno-noche buena.

"Sa mismong Pasko, at Bagong Taon, quality time na lang with my family and loved ones," sabi ni Barbie.

Saad naman ni Jak, "Simple dinner lang po sa bahay, noche buena, simpleng noche buena lang po. Tapos, 'yung kasunod na araw naman, [December] 26 po, pumupunta kami sa family niya sa BiƱan. Du'n na kami nagdi-dessert kasi masarap magluto 'yung family niya."

Napagkasunduan din daw ng dalawa na bawal silang mag-exchange gift.
"Ipu-push na lang namin 'yung du'n sa mga handa, 'di ba? Kaysa magbigayan pa kami ng regalo," ayon kay Barbie.

Pero si Jak, tila hindi kayang sundin ang naturang kasunduan nila.

"Tinatantiya ko pa eh. Iniisip ko kung ano 'yung mga nila-like niya sa social media, ano 'yung mga hilig niya lately. So du'n ako magbe-based," ayon kay Jak.

Excited naman ang dalawa para sa bagong series na pinagtatambalan nila, ang "Cara Mia," na ipapalabas na sa 2019.

"Sana makatapos kami ng pilot this month pero medyo madugo talaga. Very challenging din," saad ni Barbie.

"'Yung editor namin, talagang pinag-iisipan kung paanong, ah, magmumukhang natural 'yung effects na gagawin namin dahil medyo mabusisi po 'yung project na 'to," dagdag naman ni Jak.--FRJ, GMA News