Inihayag ng ilang Kapuso star ang kanilang mga nais na makamit sa 2019. Kabilang diyan ang magkasintahang Barbie Forteza at Jak Roberto na may bansang nais mapuntahan.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Jak na tiis-tiis muna siya sa kaniyang hilig sa mga sapatos para mapag-ipunan ang 2019 travel goal nila ni Barbie na makapagbakasyon sa Amerika.

ALAMIN: Barbie Forteza at Jak Roberto, may exchange 'gift' sa isa't isa

"Gusto kong makabisita sa Chicago, sa ate ni Barbs [Barbie]," saad ng aktor.

Samantala, ang pagpapalakas naman ng katawan at pagsubsob sa trabaho ang nais gawin ni Paolo Contis para sa pamilya nila ni LJ Reyes.

"2019 we are starting a new show and gusto ko lang magtrabaho so I can be a good provider," sabi ni Paolo para maituon daw ni LJ ang sarili sa panganganak.

Si "Bubble Gang" babe Arny Ross, nais na makabili ng sarili niyang sasakyan sa susunod na taon.

"Sana i-grant ni Lord, gusto ko na magkaroon ng personal car next year. Ginagamit ko [kasi] for the last six years eh yung kina mama," paliwanag niya.

Bagong hobby naman ang personal goal ni "Onanay" star Kate Valdez na balak na magpaka-adventurous at subukan ang motocross.

Si "My Special Tatay" lead star Ken Chan, ultimate goal na mapatayuan ng bahay at gawing rest house ang binili niyang lupa sa Tagaytay. -- FRJ, GMA News