Ngayong isinilang na ang unang anak nina LJ Reyes at Paolo Contis na si Summer Ayanna, may paliwanag ang aktor kung bakit hindi pa nila ipinapakita sa publiko ang mukha ng kanilang baby.

Sa panayam sa kaniya ng GMA reporters nitong Martes sa story conference ng "Hiram Na Anak," sinabi ni Paolo na masaya siya sa kaniyang mag-ina na parehong maayos ang kalagayan.
 



"Masaya! Very healthy! Puyat nga pero we already went home last night. She's very healthy, LJ, of course she's tired but very happy and healthy also," ayon sa aktor.

Ayon kay Paolo, gusto muna nilang sulitin ni LJ ang kanilang anak bago nila ito ipakita sa publiko.

"Alam mo 'yung... matagal mo siyang hinintay eh, ayoko pa siyang i-share. Kahit si LJ nga eh,"natatawa niyang sabi. ''Wag muna natin [i-share]. Gusto ko tayo lang muna.' Sabi ko 'Oo!'"

"Pero siyempre, sabi nga namin, people know about Summer and gusto namin alam ng tao na nandiyan na siya pero 'yung mukha sa amin muna. Pero ilalabas ko 'yun for sure," dagdag ni Paolo.

Nang lumabas si Summer Ayanna noong Enero 4, isang orasan lamang ang ipinakita ni Paolo na larawan sa kaniyang Instagram na nakaturo sa 4:56 p.m., ang oras ng pagsilang ng sanggol.

Si LJ naman ang sumunod na nag-post, pero paa pa lang ni baby Summer ang ipinakita.

Sa sumunod pang post ni Paolo, kalong-kalong niya si Summer Ayanna, pero hindi pa rin makikita ang sanggol.

Ang kanilang mga pamilya lang daw muna ang nakabisita para makita si baby Summer.

"Actually, very minimal 'yung naging visitors namin, only family. Kahit 'yung mga friend namin hindi namin napapunta because of course, like ito, magtatrabaho na, magsisimula na ako magtrabaho, sabi ko nga, I want to spend the few days left before I work with her, just with them," saad ni Paolo.

Nakakapagod man ang pagiging ama, pero na-miss daw ito ni Paolo.

"Iba, iba, iba. Na-miss ko 'yung puyat, walang tulog. Na-miss ko 'yung 'Uha!' ng bata. Touching a very fragile baby, very touching, sobra," masaya niyang kuwento.

Tinanong din kung sino ang mas kamukha ng sanggol.

"Makikita niyo, makikita niyo. Basta cute. Siyempre habang baby naman, hindi pa [gaanong halata] pero 'yung panglabas, kamukha ni LJ," saad niya.

Matagal na nilang napagkasunduan ni LJ na "Summer" at isa pang pangalang nagsisimula sa "A" ang ipapangalan sa sanggol.

"'Yung Summer matagal nang gusto ni LJ. Sabi nga niya, kung naging babae si Aki, Summer [ang magiging pangalan niya]. It's what she wanted ever since. So non-negotiable na 'yun. Pero gusto ko rin 'yung name. And knowing that she has Aki, I have two girls also, 'yung mga second name nila, puro A. So we found a name na A din 'yung magiging name," paliwanag niya.

"Pero masaya, masaya. Kahit doon sa ospital, of course may mga naging challenges for her because normal 'yung delivery niya. Pero everything was smooth, up to the last minute before the final na kailangan na niyang mag-push, it was fun with the doctors, masaya, masaya," patuloy ni Paolo.

Sa kaniya ring Instagram post, nagbiro pa si Paolo tungkol sa paghihirap daw ni LJ sa pag-deliver ng baby.
 



"Kaya nga! Hindi kasi siyempre gusto ko makita ng mga tao na she's okay. Siyempre sabi ko nga, 'People are worried, they want to know how you are.' Ayan, para makita nila na okay," sabi ng aktor.

Iba raw ngayon ang parenting nila ni LJ sa kanilang anak.

"Ibang iba ngayon... Mas ano ngayon eh, marami, madaming tulong, madaming help with the gadgets that you have, with all the help that you can get. Ibang iba, ibang iba. Pero of course the handling of the baby is still the same. Pag-aalaga 'yan, hands on pa rin."

"I missed that, 'yung pakiramdam na may maliit kang hawak na walang laban," biro muli ni Paolo.

Nang tanungin kung iyakin ang bata, sabi ng aktor, "Hindi naman. Pero gising sa gabi."-- FRJ, GMA News