Patay na nang makita sa loob ng tindahan na sinalpok ng isang dump truck sa Antipolo, Rizal, ang isang lalaki na kabilang sa mga sugatan at inakalang dinala sa ospital.

Sa ulat ni Pamela Adriano sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, inihayag ni Police Captain Nomer Macaraig, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO), nakita kanina ang bangkay ng biktima sa loob ng nawasak na tindahan sa Sumulong Highway na malapit sa Francisville sa Barangay Mambugan.

Unang iniulat na isang biktima ang nawawala sa nangyaring sakuna at inakala na nadala na ito sa ospital.

Lumalabas sa imbestigasyon, na bumibili ang biktima sa tindahan nang sumalpok ang truck, at nabagsakan siya ng mga paninda at roll-up door.

Nasa pinangyarihan pa rin umano ng insidente ang truck, na ayon sa driver ay nawalan ng preno.

Hindi bababa sa walong sasakyan ang inararo ng truck bago ito bumangga sa tindahan.

Nasa anim katao naman ang nasugatan sa insidente.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver at inihahanda na ang mga reklamong isasampa laban sa kaniya.

– FRJ GMA News