Masayang ikinuwento ni Kate Valdez kung paano siya "kinain ng sistema" at nahikayat na ring mag-TikTok dahil sa enhanced community quarantine.

"Ngayon mas marami na po akong time sa social media, lalo na nang pinu-push ako talaga na gumawa ng TikTok account. So wala na, eto na nga, nakain na nga ako ng sistema," natatawang sabi ni Kate sa Kapuso Showbiz News.

"Tinuruan ako ng sister ko kasi wala talaga akong alam sa pag-operate, 'yung pag-edit, 'yung pag-stop, ganiyan. Sabi ko 'Ang galing! Ang galing ng mga bata ngayon. Parang napaka-lola ko," patuloy niya.

Ang kapatid pa nga raw ni Kate ang nagturo sa kaniya ng mga steps sa pagsayaw.

"At siya rin 'yung nagtuturo sa akin ng mga step. Una, inaaral niya 'yung mga step tapos pagkatapos noon, tinuturo niya sa akin and then pa-practice-in namin. Tapos kapag nasa mood na kami, 'Okay na, gets mo na 'yung step? Okay go na, i-shoot na natin ito!'" anang Anak ni Waray vs Anak ni Biday star.

Natutuwa rin si Kate dahil nagkaroon kaagad sila ng maraming followers at likes.

"Siguro nakikita nila na nag-e-enjoy din kami ng kapatid ko so mas nag-e-enjoy din silang panoorin kasi mas inaabangan nila 'Ano pa kaya 'yung gagawin nila? Ano pa kaya 'yung mga kalokohan na ico-cover nila?,'" ayon kay Kate.

Ibinahagi rin ng aktres kung ano ang iba pang ginagawa niya sa kanilang bahay ngayong ECQ. Panoorin ang buong panayam sa video.--FRJ, GMA News