Sa awarding ceremony ng Hero for All 2026 nitong Linggo, hinikayat ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards ang mga dumalo na isabuhay ang kabutihan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Sa kaniyang talumpati sa naturang pagtitipon, inihayag ni Alden na naniniwala siya na kusang nagbabalik sa mga gumagawa nito ang kabutihang kanilang ipinapakita sa kapuwa.
“I really do believe that if there's one thing I'm proud of, sabihin ninyo nang mayabang ako, pero alam ko at the end of the day, I am a good person," ani Alden sa isang video na ibinahagi ni Aubrey Carampel ng GMA News.
"No one can take that away, and I'm sure gusto ko ganun din yung maging mindset ng mga heroes natin na you can be proud to tell the world that you're a good person,” dagdag niya.
Hinimok din niya ang mga pinarangalan na ipagpatuloy ang paggawa ng mabuti. Paalala niya, darating din ang panahon na masusuklian ang kabutihang ipinapakita sa kapuwa.
“Please be proud of that fact. Keep on throwing it… at the universe kasi it's a form of manifestation na if you always do good, good will come back to you. In our lifetime, in our daily lives, I do believe that we always get what we deserve, may it be good or bad,” paliwanag niya.
Sa pamamagitan ng AR Foundation, tumulong si Alden sa pagpili at pagbibigay-pugay sa 20 unsung Filipino heroes mula sa iba't ibang panig ng bansa. Kabilang dito ang mga indibidwal na nagmula sa iba't ibang antas ng pamumuhay at nagbigay ng makabuluhang kontribusyon sa kani-kanilang komunidad.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin din ni Alden na walang kailangang gastusin upang maging mabuting tao, anuman ang trabaho o katayuan sa buhay.
“Ang maganda kasi sa aspeto ng pagiging mabuti po, e libre. Libre siya eh. Lahat pwedeng gumawa nito eh… Ano kaman sa buhay, cameraman ka, you're a server here,” saad niya.
“... At the end of the day, if there’s one thing that no one can ever take away from you, it’s the goodness of your heart. So guard it. Guard it with your life and always care about the people around you,” dagdag ni Alden.—FRJ GMA News

