Balik-trabaho na si Miguel Tanfelix nang sumabak siya sa isang photo at video shoot para sa isang international clothing brand. Pero kumusta naman kaya ang kaniyang love life ngayon?

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang proyekto sa isang international clothing brand ang naging unang trabaho ni Miguel sa labas magmula nang magkaroon ng pandemya.

Hindi raw kasi lumalabas ng bahay si Miguel mula nang magpatupad ng community quarantine, bagaman nakikita pa rin siya ng fans sa GMA online shows.

"Sobrang bagong experience sa akin na 'yung shinoot namin 'yung campaign na 'yun lahat naka-PPE, naka-face shield. So feel ko very protected po ako during the shoot," ani Miguel.

Natuwa si Miguel na puro pang Gen Z ang mga ipinagawa sa kaniya sa shoot, lalo na't kabilang siya sa nasabing henerasyon.

"Marami po akong ginawang Tiktok videos, isa po 'yun sa gagamitin kong tools para i-promote 'yung campaign namin, 'yung Tiktok, 'yung fashion tips, 'yung mga ganyan," anang aktor.

Nadiskubre ni Miguel ang isa pa niyang interes sa pagbabasa nitong quarantine.

"Right now ang binabasa ko mga psychology books, very interested ako eh, biglaan lang siya noong pumasok 'yung quarantine," sabi ni Miguel.

Pero kung romance books ang pag-uusapan, hindi raw mahilig si Miguel dahil mas gusto niyang ma-in love sa personal. Dahil dito, natanong si Miguel kung may love life siya ngayon.

"Nag-e-enjoy ako sa bonding namin ng family ko," biro niyang sabi.

"Secret. It's a yes and it's a no, ako na po ang bahala. Mas gusto ko sigurong private na lang po 'yun. So ayoko pong magsalita about my private life," sagot ng aktor.

Pinaghahandaan na rin ni Miguel ang isang malaking series na gagawin niya sa GMA.

Sumasailalim na sila ngayon sa script reading para makilala ang kanilang mga character.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News