Inilahad ni Gladys Reyes na naging hamon ang online schooling ng kaniyang anak na si Grant, lalo ngayong panahon ng pandemic. Katunayan, naiyak pa raw siya sa pagtuturo ng kaniyang anak.

“Hindi na ako nagpanggap, mahirap magpanggap, naiyak talaga ako halos sa first day of online class ni Grant. Google something, Google ganito, so hindi ko masyadong alam ’yung pasikot-sikot kaya medyo noong una parang nalulungkot ako,” sabi ni Gladys sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Sabado.

“Hay nako, nabibilisan ako noong una. Hanggang sa, wala, I was amazed, after a day, the next day, alam na ni Grant,’” dagdag ng aktres.

Kailangan aniya ng tiyaga para sa mga anak sa ano mang sitwasyong kahaharapin.

“Kahit you’re working wala kang magagawa. You have to find a way para i-assist ’yung anak mo,” ani Gladys.

Kung nasasanay pa lang siya sa paggabay sa kaniyang anak sa online schooling, gamay naman na ni Gladys ang food at catering business. – Jamil Santos/RC, GMA News