Nominado si Alden Richards bilang Best Actor sa ika-43 Gawad Urian para sa pelikulang "Hello, Love, Goodbye."

Nominado rin ang kaniyang leading lady sa pelikula na si Kathryn Bernardo para sa Best Actress.

Sa ulat ng GMA News "Saksi," sinabing makakatunggali ni Alden ang first-timer din sa Urian na si Elijah Canlas, na kakapanalo lang bilang "Best Actor" sa Asian Film Festival para sa "Kalel, 15."

Mga nominado rin para sa Best Actor sina Louis Abuel, Oliver Aquino, Gold Azeron, Royce Cabrera, Gio Gahol at Jansen Magpusao.

Makakatunggali rin nila sina Raymond Bagatsing at Joel Lamangan na mga beterano na sa larangan ng pelikula.

Samantala, contender din bilang Best Actress ang bida ng "Babae At Baril" na si Janine Gutierrez, at si 2019 Gawad Urian Best Actress Nadine Lustre para sa pelikulang "Ulan."

Kasama rin sa Best Actress nominees ang namayapang aktres na si Anita Linda para sa pelikulang "Circa."

Unang beses ding nominado ni Max Eigenmann at makakatapat nila ang mga batikang aktres na sina Alessandra De Rossi, Angie Ferro, Jean Garcia, Bela Padilla, Sue Prado at Ruby Ruiz.

Nangunguna ang mga pelikulang "Babae At Baril" at "Kalel, 15" sa Gawad Urian 2020, na parehong tig-siyam ang nominasyon, kabilang ang Best Picture.

Para sa Best Picture, nominado ang mga pelikulang "Cleaners" at "Edward" na may tig-walong nominasyon. —LBG, GMA News