Kabilang ang "Magkaagaw" sa mga afternoon series na mapapaanod ang mga fresh episode sa pagpasok ng 2021. Si Sheryl Cruz, sinabing makakaasa ang mga manonood ng mga mas matitinding eksena.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing bukod sa "Magkaagaw" ay magbabalik din ang "Bilangin ang Bituin sa Langit," at ang bagong teleseryeng "Babawiin Ko Ang Lahat."

Ang "Bilangin ang Bituin sa Langit" ay pinapangunahan nina Nora Aunor, Mylene Dizon, Kyline Alcantara at Zoren Legazpi.

Star-studded din ang "Babawiin Ko Ang Lahat" na pangungunahan nina John Estrada, Carmina Villaroel, Pauline Mendoza at ang nagbabalik na si Tanya Garcia.

Ayon kay Sheryl [Veron], asahan na mas titindi pa ang mga banggaan ng mga karakter sa "Magkaagaw" na kinabibilangan nina Sunshine Dizon [Laura], Klea Pineda [Clarisse] at Jeric Gonzales [Jio].

Pero hindi lang daw ang banggaan ng mga karakter ang level-up sa mga fresh episode kung hindi maging ang mga daring scenes maging nina Veron at Jio.

"Akala natin hanggang doon na lang yung mga daring scene sina Veron at Jio pero actually nag-level up pa. Magugulat kayo sa mga eksena," sabi ni Sheryl.--FRJ, GMA News