Inihayag ni AiAi delas Alas ang kaniyang labis na paghanga kay Lovi Poe, na kaniyang nagiging inspirasyon at nais na tularan. Alamin kung bakit.

"Napaka-athlete athlete ang dating [ni Lovi]. Alam mo ang sipag sipag nu'ng mag-exercise, so mas lalo rin akong ginaganahan mag-exercise," sabi ni AiAi sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

"Kaya kapag nakikita ko siya na ganu'n ka-engrossed sa pag-e-exercise, sabi ko 'Ay nako gagayahin ko ito si Lovi. Galing eh!' Kunwari 7 o'clock ang call time namin, 5 o'clock gigising na 'yan para tumakbo. 'Pag nagensayo, idol 'yan, idol natin si ate Lovi," dagdag ng Kapuso Comedy Queen.

Makakasama ni AiAi si Lovi sa upcoming Kapuso series na "Owe My Love."

Gaganap bilang mayaman si AiAi na nagsusuot ng outlandish na mga costume.

Pinuri rin ni AiAi ang Kapuso hunks na makakasama niya na sina John Vic De Guzman at Joaquin Manansala.

"Nakakatuwa pati mababait 'yung mga batang 'yun, tsaka mga gwapings talaga. Bukod sa marunong naman silang umarte, maghubad lang sila, ipakita 'yung muscle okay na, 'yun na 'yung papanoorin ko eh, wooh!" pabirong sabi ni AiAi.

Inihayag naman ni AiAi na excited na siyang bumalik sa lock in taping ng "Owe My Love" dahil napakasaya sa kanilang set.

"Good vibes, magagaan ang mga kasama ko, lahat sila. Meron nga kaming mga family gathering every Thursday, Sunday," sabi niya.

Pinaghandaan na ni AiAi ang 55 araw na kanilang lock in taping.

"'Yung first leg ko, nandoon na lahat ng dadalhin ko, ang kulang ko lang 'yung cabinet ko... Lahat nandu'n na, may ref ako doon, may mga kalan, kumpleto ako, parang meron akong isang condo. 'Yung kwarto namin na ganoon isang condo na siya na nandu'n na lahat. Pagpasok nga doon sabi nina direk 'Wow ha napagkasya mo ito rito," masayang kuwento ni AiAi.— Jamil Santos/FRJ, GMA News