Idinaan ni Heart Evangelista sa good vibes ang tila peligroso niyang karanasan nang habulin niya ang kaniyang asong si Che Che, dahil naka-high heels pa siya habang tumatakbo sa kalye.

"Nakakaloka hinabol namin si Che Che sa daan! Muntik ako [lumusot] sa truck!" kuwento ni Heart sa Twitter.

Nagpasalamat naman si Heart sa isang tumulong na motorista, na binuksan ang pinto nito para mapigilan sa pagtakbo si Che Che.

"To the man who opened his car door to stop cheche thank YOU! Sana wala naka video dahil mukha among tanga - naka kulot at high heels making pigil the trucks and cars and running after cheche . What an afternoon," sabi ni Heart.

Bukod dito, pinasalamatan din ni Heart ang mga tumulong sa kaniya, kabilang na ang kaniyang kapatid na si Camille, na naka-high heels din, para mahabol ang kaniyang aso.

Hindi rin naman naiwasan maisip ni Heart na mapagalitan siya ng asawa niyang si Sorsogon Gov. Chiz Escudero dahil sa tila buwis-buhay na paghabol niya sa kaniyang alaga.

"Great I forgot na sa Twitter din pala Asawa ko . Mapapagalitan ako nito."

Kilalang animal welfare advocate si Heart. Bukod sa pagtatayo ng animal shelter sa Sorsogon, sumama rin siya sa pagsagip sa mga hayop noong sumabog ang Bulkang Taal noong 2020. – Jamil Santos/RC, GMA News