Maaari na raw manganak "anytime" si Sophie Albert, ayon na rin sa kaniyang doktor. Ibinahagi rin ng aktres na hindi naging madali ang kaniyang pagbubuntis at pinayuhan siya ng doktor na mag-bed rest ng tatlong buwan.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Sophie na excited na sila ng fiancé niyang si Vin sa pagsilang ng kanilang munting prinsesa.

Ayon kay Sophie pinaghihinay-hinay muna siya ng doktor sa pagkain nang labis at mga matatamis bukod sa paglalakad.

"Bawal ang sweets, pero hindi ko talaga makontrol 'yung pagkain ko ng sweets, cakes. So yesterday nagpa-ultrasound kami, my baby is already eight pounds. Oh my God, it's huge, I have to diet," sabi ni Sophie.

Sa unang term ng kaniyang pagbubuntis, nagdesisyon si Sophie na manahimik muna sa social media dahil hindi naging madali ang kaniyang pagbubuntis.

Kinailangan muna ni Sophie na mag-bed rest ng tatlong buwan.

"I was having contractions nu'ng first trimester, which I was not feeling. Pero my OB was saying na noong nag-first ultrasound kami, nakikita nga niya 'yung uterus ko nagko-contract at napipisa nga 'yung baby. So I had to be on bed rest for a while nu'ng first trimester. Ang hirap din kasi sanay ako na nagwo-workout, sanay ako na laging gumagalaw."

Natanong si Sophie kung may naisip na sila ni Vin na ipapangalan sa kanilang baby.

"Si Vin na 'yung nag-decide ng first name kasi sa kanila it's their tradition na puro sila letter 'A.' The first name has something to do with birds. Sabi namin we'll decide on the final name once we see her face para mag-match talaga siya," anang Kapuso actress.

Posibleng bago magtapos ang taon o sa susunod na taon na matutuloy ang kasal nina Sophie at Vin.

Nagpasalamat naman si Sophie na healthy ang kanilang magiging baby girl.--Jamil Santos/FRJ, GMA News