Hindi man magkasama sina Barbie Forteza at Jak Roberto sa pagdiriwang ng kanilang ika-apat na anibersaryo bilang magkasintahan, nagpadala naman sila ng regalo sa isa't isa.

Sinabi ni Barbie sa ulat ni Cata Tibayan sa “24 Oras Weekend” nitong Linggo, na nagpaluto at nagpadala si Jak sa bahay ng paboritong seafood ng kaniyang pamilya.

"Para kahit anniversary naming dalawa, ma-enyoy din ng family ko 'yon," anang aktres.

Ayon pa kay Barbie, espresso machine ang naging regalo sa kaniya ni Jak.

Samantalang si Jak, sinabing nakatanggap siya kay Barbie ng organizer at hard case para sa mga camera.

Ayon sa dalawa, hindi man sila madalas magkasama dahil na rin sa pandemic, hindi nawawala ang kanilang komunikasyon.

Sinabi ni Jak malaking bagay ang teknolohiya dahil nakapapag-video call sila ni Barbie simula pa lang sa umaga.

Samantala, inihayag ni Barbie na malaking bagay ang pagtitiwala nila sa isa't isa sa pagiging matatag ang kanilang relasyon.

"Malaking bagay na parehas kami ng interes. Kampante na kami sa isa't isa. Alam namin na wala kaming gagawin para masaktan o malungkot kaming dalawa," paliwanag niya.

Mapapanood sina Barbie at Jak bilang guest sa Kapuso series na "Heartful Cafe" na pinagbibidahan nina Julie Ann San Jose at David Licuaco.— FRJ, GMA News