Sa kaniyang pag-guest sa "Rise Up Stronger: The Road to NCAA Season 96," napa-throwback si Dingdong Dantes sa kaniyang college life nang mapanood ang kaniyang sarili bilang bahagi ng cheerleading team ng San Beda University na San Beda Red Corps.

"Hindi ako masyadong pinagpala sa basketball eh... Baka naman meron akong ma-contribute dito kahit paano? Then I joined. And then that was it," kuwento ni Dingdong sa panayam sa kaniya ni Martin Javier, na mapapanood sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes.

"'Yun 'yung first experience ko of being in a coliseum," dagdag ni Kapuso Primetime King.

Napa-react si Dingdong nang mapanood ang ilan sa mga luma niyang video sa NCAA, na mahigit 20 taon na ang nakararaan.

"Kasi siyempre, 'yun ang purpose ng cheering squad, to pump up and to cheer up not just the audience but also the players for their morale," ani Dingdong.

Ipinakita rin sa kaniyang interview ang kaniyang yearbook photo sa Ateneo, kung saan mapapansing tila may pagkakahawig si Dingdong kay Ziggy.

Mapapanood ang panayam ni Martin kay Dingdong sa "Rise Up Stronger: The Road to NCAA Season 96" sa Sabado sa GTV ng 4:30 p.m. —Jamil Santos/LBG, GMA News