Kahit na mahirap, mas pipiliin pa rin ni Aicelle Santos na siya mismo ang mag-alaga sa anak nila ni Mark Zambrano na si Baby Zandrine.

Sa Kapuso Showbiz News, nagkuwento si Aicelle tungkol sa paglalaan niya ng oras kay Baby Zandrine, kung saan nalilimutan na niya minsan na asikasuhin din ang sarili.

"Sa totohanan, nako, what is ligo? Kasi ultimo ang pagkain ko, hindi na ako ngumunguya, lunok na lang po. Kasi ang bata mo magigising na, kasi nga wala kaming yaya," sabi ni Aicelle.

Sa mismong interview, kasama raw ni Aicelle si Baby Zandrine na natutulog.

"Maraming sacrifices, pero kapag nginitian ka ng anak mo talaga namang sulit na sulit," sabi ng Kapuso singer.

"Ito ngang pandemic blessing in disguise, kasi talagang 24/7 kayong magkasama, tapos nakikita mo 'yung milestones niya 'yung biglang 'Uy may bago na naman siyang ginawa' 'Uy natawa siya sa ganito.' I don't want to say it's perfect, but it's a happy journey for both of us, actually sa aming tatlo nina Mark," pagpapatuloy ni Aicelle.

Ayon kay Aicelle, mas gusto ginagampanan ang kaniyang pagiging ina.

"Iba rin kasi 'pag ikaw talaga mismo ang nag-aalaga. Kasi una sa lahat, hindi naman ako nagtatrabaho ng 9 to 5, so bakit ako kukuha ng yaya? Eh gusto ko ako rin 'yung nagna-nappy change, ako 'yung nagpapaligo. Tapos breastfeeding kami. So magandang madaanan mo lahat 'yun. Kung may choice ka to do it, why not?" —LBG, GMA News