Isa sa mga hiling ni Mura nang manawagan sa isang vlog kamakailan na sana'y makita niyang muli ang dating katambal na si Mahal. At hindi naman siya binigo ng cute at lovable na komedyante na bumiyahe nang malayo papuntang Bicol.

Ayon kay Mahal, noon pa niya balak na bisitahin si Mura sa Guinobatan. Albay pero hindi natuloy nang magkaroon ng bagyo at nasundan ng pagluluksa.

"Bago ako magpunta kay Mura inuna ko muna yung papa ko," sabi ni Mahal.

Kaya nang mapanood ang panawagan ni Mura, hindi na nag-aksaya ng panahon ang komedyante.

Nang makakuha sila ng kaibigang si Migz ng negative result ng kanilang COVID-19 test, bumiyahe na sila papuntang Bicol.

Napag-alaman na hirap ngayon sa buhay si Mura mula nang matigil sa pag-aartista noong 2010 matapos maaksidente sa sinasakyang tricycle.

Kahit pipilay-pilay dahil sa problema sa kaniyang tuhod, nagsisikap si Mura na magkapagtrabaho sa bukid para sa kaniyang pamilya.

Bukod sa mahabang biyahe papuntang Bicol, tinatayang isang oras din ang paglalakad papunta sa mismong bahay ni Mura.

Mabuti na lang at kasama ni Mahal si Migz na handang bumuhat sa kaniya sa paputik na daan.

Noong una, sinabi ni Migz kay Mura na hindi makakasama si Mahal sa biyahe. Kaya naman nasorpresa siya nang makita sa sasakyan ang kaniyang dating katambal.

Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang buhay ngayon ni Mura, at ang masayang pagsasama nilang muli ni Mahal matapos ang mahabang panahon.  Panoorin.

--FRJ, GMA News