Hinahanap na ng NBI ang aktor na si Jace Flores at ang kanyang partner matapos silang makatanggap ng reklamo laban sa dalawa dahil umano sa estafa.

Ayon sa exclusive na ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, nagbenta ng umano'y pekeng relo at nagsanla rin daw ng umano'y nakaw na sasakyan ang dalawa.

Nitong Hulyo, ibinenta raw ni Flores (Reynaldo 'Jace' Chanco Flores sa tunay na buhay) at ng kanyang partner na si Doriz May Santos kay Jessie Reyes Gay, isang casino financier, ang isang mamahaling relo.

Kuwento ni Gay, nabighani siya dahil ang presyo ng Swiss watch na Audemars Piguet na ibinebenta ng dalawang suspek ay P300,000 lamang. Ito ay nagkakahalaga ng higit P3 milyon sa merkado.

"Ang usapan namin diyan, dapat una pa lang, ipapa-legit check muna namin bago bayaran, bago namin kunin. Pero dahil nagtiwala agad kami, eh sabi ko mukhang hindi naman gagawa ng kalokohan [kinuha na namin]," saad ni Gay.

Dinala ni Gay ang relo sa authorized service center upang malaman kung tunay nga ito.

"Actually nagbayad pa kami doon [authorized service center] ng P3,000 to check kung legit or fake. Pagtingin pa lang noong sa store, alam na agad na fake," dagdag niya.

"Parang binuhusan ako ng ano eh. Sumama 'yung loob ko siyempre. Bakit nila nagawa 'yon?" aniya.

Nagsampa na ng kasong estafa si Gay sa NBI laban kina Flores at Santos.

Payo naman ng watch collector na si Rino Uy, dapat ipinapasuri ang mga relo sa mga authorized service center lalo na kung ang mga ito ay segunda mano bago bilhin.

"Sa ngayon sa sobrang ganda ng pakaka-fake, hindi mo na masasabi minsan lalo na kapag kunyari hindi ka expert. Minsan kahit expert napepeke pa eh," saad ni Uy.

Iba pang biktima

May iba pa raw umanong naging biktima ang mga suspek.

Ang OFW na si Anna Marie Margarejo, isang dealer ng mga alahas at relo sa Singapore, ay nagsampa na rin ng reklamo laban sa dalawa.

Kuwento ni Margarejo, kinunan siya ng mga suspek ng pares ng Rolex na relo na nagkakahalagang halos P500,000.

Matapos makapag-downpayment ng P100,000 ay hindi na raw nagpakita ang mga suspek.

Naging biktima rin umano ang talent manager na si Len Carillo.

Ayon kay Carillo, sinanlaan daw siya ng SUV na mga suspek. 

Saka na lang niya nalaman na nakaw pala ang SUV na isinanla sa kanya.

Samantala, hindi na ma-kontak ang dalawang suspek sa kanilang mga telepono. —KG, GMA News