Inilahad ni Ruru Madrid na mas gumanda at mas lumalim pa ngayon ang pagkakaibigan nila ni Kylie Padilla. Noon daw, hindi sila naging masyadong close dahil tila may "wall" sa kanilang pagitan.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing muling nagkita sina Ruru at Kylie sa taping ng Regal Studio Presents: My Fairytale Hero, pagkaraan ng ilang taon na wala silang komunikasyon.

"Grabe kuwentuhan agad kami na parang kahapon lang magkasama kami. Parang hindi kami nawalay nang matagal sa isa't isa. So noong nag-taping kami, magkasama kami all the time, kuwentuhan lang kami, ang dami naming napag-uusapan," sabi ni Ruru.

Ayon kay Ruru, kahit magkatambal sila sa series tulad ng 'Encantadia', hindi naman sila close ni Kylie at tila may balakid sa kanilang pagkakaibigan.

Ngunit ngayon, masasabi niyang mas close na siya sa aktres.

"Pinag-usapan nga namin ni Kylie, feeling ko kasi somehow, dati naaapektuhan because meron kaming someone, na kinakailangan naming dumistansya sa isa't isa nang konti para at least wala nang issue, hindi na maging big deal," anang Kapuso actor.

Nag-guest kamakailan si Kylie sa vlog ni Ruru.

Samantala, nasa hotel quarantine si Ruru para sa pagbabalik-taping nila para sa Lolong.

Excited siya dahil kukunan na ang mga pinakamalalaki at mahihirap niyang eksena sa serye.

"From dati na action nga, this time buwis-buhay na talaga. As in grabe 'yung action, matindi talaga to the point na habang binabasa ko 'yung script iniisip ko kung paano ko siya gagawin dahil sobrang madugo, sobrang mabusisi, malalaki 'yung mga eksena. Pero sabi ko nga mas gusto ko 'yung nacha-challenge 'yung sarili ko," ayon kay Ruru.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News