Aalis ng bansa "in a few days" si Kris Aquino para tutukan ang kaniyang kalusugan.

Inihayag ito ni Kris nang magkomento siya sa post ni Asia’s Songbird Regine Velasquez sa Instagram.

Ayon kay Kris, mahigit isang taon siyang mawawala at mananatili sa abroad para magpagamot.

“Mare sorry if my greeting is late- we leave in a few days and we’ll be gone for more than a year for my medical treatments,” saad ni Kris.

Nagpasalamat din si Kris kay Regine at mister nito na si Ogie Alcasid dahil palagi nilang inaalam ang kaniyang kalagayan.

“Medyo overwhelming. Thank you dumalaw si Jas & Darla and they told me sobrang consistent kayo ni Pare asking kung kamusta ako,” dagdag niya.

Naging kapansin-pansin ang pagpayat ni Kris na-diagnosed na may erosive gastritis at gastric ulcer, bukod pa sa kaniyang autoimmune disease.

Nauna na niyang sinabi ang posibilidad ng pagpunta niya sa ibang bansa para magpagamot. Nitong nagdaang mga linggo, sumailalim sa iba't ibat medical test si Kris para alamin kung maaari siyang bumiyahe.— FRJ, GMA News