Umakyat na sa 35 katao ang nasawi sa nasunog na pampasaherong barko na MV June Aster sa karagatang sakop ng Coron, Palawan, matapos na makuha mula rito ang 30 bangkay nitong Biyernes.
Nasunog ang MV June Aster noong Miyerkules ng gabi habang naglalayag sa karagatan ng Coron, Palawan, at nanggaling sa Maynila.
Naging mahirap ang paghahanap at pagkuha sa mga biktima dahil sa patuloy na pag-apoy ng barko at masamang panahon. Ngunit nang maideklara na ng mga awtoridad na tuluyan nang naapula ang sunog nitong Biyernes ng umaga, sinimulan nang pasukin ang loob nito.
“Joint authorities reported an initial count of 30 cadavers recovered on board MV June Aster today, September 11, 2026, following the declaration of fire out and subsequent safety assessment,” saad sa inilabas na pahayag ng PCG.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nagsimula bandang alas-5:16 ng hapon ang pagkuha at paglilipat sa mga bangkay gamit ang BRP Cape Engaño (MRRV-4411).
Dadalhin ang mga bangkay sa Port of Borac sa Coron, Palawan pagsapit ng Sabado, Setyembre 12. Inaasahang darating ang mga labi sa pantalan bago mag-alas-11 ng umaga.
Bago narekober ang mga bangkay, lima pa lamang ang kumpirmadong nasawi at 43 ang nakaligtas, at mahigt 80 ang nawawala. – FRJ GMA News
