Sumabak sa acting workshops ni Ana Feleo ang mga miyembro ng pinakabagong Kapuso youth-oriented group na "Sparkada" bilang paghahanda sa kanilang proyekto.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing tinitiyak ng Sparkle, ang talent management arm ng GMA Network, na lubusan ang paghahanda ng Sparkada bago sila sumabak sa pag-aartista.

Masusi namang tinutukan ni Ana ang mga miyembro ng Sparkada.

Layon ng workshop na palutangin ang emosyon at kompiyansa sa sarili ng Sparkada para lalo pang mapagbuti ang kanilang acting skills.

Ginamit naman ng mga miyembro ng Sparkada ang mga sari-sarili nilang acting method sa iba't ibang sitwasyon, mapadrama man, comedy, at iba pang genre na kailangang gampanan.

"What I am first working out on them is their self-worth, their confidence, in real groundedness na confidence, hindi 'yung yabang but 'yung they feel good about their gift, about their talents, about their voice and their space in this industry," sabi ni Ana.

Sinabi ng participants na hindi lang sa acting magagamit ang workshop.

"Ang pinaka-take away ko is acting is reacting. You have to let it naturally flow, hindi mo siya mapipilit eh, so kailangan marunong kang makinig sa kaeksena mo," sabi ni Roxie Smith.

"Kagaya nga ng natututunan namin dito dapat vulnerable ka lagi, dapat open ka, dapat tanggapin mo kung ano 'yung nararamdaman mo. Para sa akin nakatulong na po 'yun," sabi ni Larkin Castor.

"Sobrang sarap po sa feeling na nagwo-workshop kami kasi kami naman po meron po kaming personal problems din pero dahil sa workshop, nalalabas po namin 'yon and natutunan po namin na mas i-control pa po 'yung emotions namin," sabi ni Saviour Ramos.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News