Labis ang saya ng komedyanteng si Dagul Pastrana matapos manalo siya at ang kaniyang pamilya ng P200,000 jackpot prize sa GMA game show na "Family Feud."

Napanood nitong Lunes ang naturang episode ng patok na game show kung saan si Dingdong Dantes ang host.

“Ako po ay nagpapasalamat sa ‘Family Feud’ na nabigyan ako ng pagkakataon na makapaglaro kami dito. Malaking bagay po ito para sa amin. Maraming salamat po,” maiyak-iyak na sabi ni Dagul.

Sa naturang episode, nakalaban ng pamilya ni Dagul ang pamilya ng singer na si Lyca Gairanod.

Sa jackpot round, si Dagul at ang isang anak niya ang sumabak sa huling mga tanon kung saan nakaipon sila ng pinagsamang 214 points, na pasok sa required 200 points para manalo ng P200,000 jackpot prize.

Matatandaan na naharap sa problemang pinansiyal si Dagul nang dumalang ang kaniyang mga proyekto dahil na rin sa epekto ng COVID-19 pandemic. — FRJ, GMA News