Muling pumirma ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center sina Thea Tolentino at Rodjun Cruz na sampung taon na bilang Kapuso.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing isang dekada na mula nang madiskubre ng GMA Network Inc. si Thea matapos na itanghal na female grand winner sa “Protégé: The Battle for the Big Artista Break.”

Mula noon, sunod-sunod na ang mga naging roles niya sa GMA projects kaya naman napamahal na siya sa mga Kapuso.

“Sobrang maalaga talaga. Nakita naman natin sa mga shows ko talagang lahat ng projects na binigay nila sa akin, nag-shine ako,” ani Tolentino.

Mula naman sa kaniyang role sa dating Kapuso hit series na “My Husband’s Lover,” iba’t ibang karakter na rin ang binigyang buhay ni Rodjun.

“Dito talaga ako nag-grow as an artist, as an actor. Thankful talaga ako,” anang aktor.

Samantala, dalawang taon pa lang sa industriya pero unti-unti nang nakikilala ang galing ni Angel Guardian.

Bukod sa mainstay runner siya sa “Running Man Philippines”, kasama rin siya sa cast ng Kapusong primetime series na “Mano Po Legacy: The Flower Sisters.”

“Sobrang grateful po ako kasi hindi naman po lahat nabibigyan ng opportunity. Sobrang tine-treasure ko po ‘yun,” sambit ni Guardian.

Second chance naman kung ituring ni Anjo Damiles ang pagsabak sa ilang proyekto sa GMA Network.

“Sa mga managers ko and to our GMA bosses, thank you so much for believing ang trusting,” ani Damiles.

Ang Signed for Stardom ay isang magandang simula para sa mga Sparkle artists.

“Makikita natin ang mga Sparkle talent sa iba’t ibang shows ng GMA. May plano rin tayong mga shows abroad so abangan ‘yan. Maraming naka-lineup na movies,” pahayag ni GMA Network Inc. Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News