Isang nanay sa Amerika ang nagpagkakalamang ngayon bilang si Hollywood actress Megan Fox dahil sa kaniyang naging transformation matapos silang maghiwalay ng kaniyang mister.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing marami ang nagulat sa pagbabago ng hitsura ng 29-anyos na si Marissa Poll mula nang nakipagdiborsyo sa kaniyang asawa.

Ayon kay Marissa, 17-anyos lang siya noon nang makilala niya ang kaniyang napangasawa. Nagpakasal sila noong March 2016 at nagkaroon ng dalawang anak.

Sa mga panahong iyon, naapektuhan daw nang husto ang kaniyang mental health.

“I got wrapped up playing a role of what was expected of me as a wife and mother and wasn’t prioritizing how I looked or any aspect of my life. I lost myself for a while,” ani Marissa. 

Pero noong Enero 2022 matapos ang anim na taong pagsasama, napagdesisyunan nilang mag-asawa na maghiwalay na.

Doon na raw naisipan ni Marissa na baguhin ang kanyang hitsura. Dahil fan ng alternative music, nag-eksperimento siya sa kaniyang pananamit, hairstyles at makeup.

Nagkaroon siya ng siyam na tattoo at nagpalagay ng piercings.

“All of the photos are me. I am not lying. I have these having in my house. That is me and that is my daughter. All those were me,” saad ni Marissa, na nagsabing lagi na raw siyang napagkakamalang si Megan Fox.

Kumpara noong may asawa pa, sinabi ni Marissa na mas masaya siya ngayon sa kaniyang buhay.

Ang payo niya sa mga katulad niyang ina, huwag kakalimutang maglaan ng oras para sa sarili.

“I now spend half an hour every day getting ready ang doing my makeup. When you feel good about yourself, only then can you be the best version of yourself,” giit niya.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News