Dinala sa ospital noong nakaraang linggo ang aktor na si Gardo Versoza matapos na atakihin sa puso.

Kinumpirma ito ni Tito Boy Abunda sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, at sinabing nagpapagaling na ang aktor.

Ayon kay Tito Boy, inilahad ni Ivy Vicencio, asawa ni Gardo, na nanakit ang likod ng aktor, pero ayaw pang magpadala sa ospital noong una dahil may taping pa kinabukasan.

Kalaunan, nakumbinsi ni Ivy si Gardo na magpaospital, kaya dinala si Gardo sa Cardinal Santos Hospital.

Dito, natuklasang dalawang ugat sa puso ni Gardo ang barado, kaya sumailalim siya sa angioplasty.

Kasalukuyang nagpapagaling si Gardo sa ICU.

Sinabi ni Tito Boy na bago ang insidente, pinaalalahanan si Gardo na maghinay sa physical activities dahil marami na siyang nararamdaman sa katawan.

Kuwento ni Tito Boy, nagbisikleta si Gardo mula Pasig hanggang Tarlac ng siyam na oras dalawang linggo ang nakararaan. Noon namang nakaraang buwan, nagbisikleta naman si Gardo mula Maynila hanggang Laguna.

“Sabi ng mga doktor, maaari ito ang naging cause. Posible itong naging cause ng heart attack ni Gardo Versoza,” sabi ni Tito Boy.

“Kami rito sa Fast Talk with Boy Abunda ay nagdadasal sa paggaling ni Gardo,” sabi ni Tito Boy.

Nag-post naman si Gardo sa Instagram ng larawan niya habang nasa ospital kasama ang kaniyang maybahay.

“Thanks for everything shugs i love you [prayer, heart emojis] thank you LORD  thank you doctors  #heartattack,” caption ni Gardo sa larawan.

 

 

—FRJ, GMA Integrated News