Itinampok ng Future Rice Farm ng Philippine Rice Research Institute ang Team “FiLay” nina David Licauco at Barbie Forteza sa kanilang rice paddy art sa Nueva Ecija.

Gamit ang tradisyonal na purple rice and the rice variety PSB Rc 10, iginuhit nila ang mga imahe nina Barbie at David sa pamamagitan ng anamorphosis design principle.

Isa itong 3D technique kung saan mukhang distorted ang larawan ngunit magiging normal kung titingnan sa isang anggulo.

Bukod sa mga mukha nina Barbie at David, mayroon ding salitang “FILAY” at puso sa baba nito.

Bago nito, ilang celebrities at personalidad na rin ang nagawan ng artwork sa palayan sa Barangay Maligaya, kabilang sina Vico Sotto, Hidilyn Diaz, President BongBong Marcos at Vice President Sara Duterte.

Matapos ang matagumpay na love team na Team “FiLay” nina Fidel at Klay sa “Maria Clara at Ibarra,” inanunsyo ni David na tuloy-tuloy ang tambalan nila ni Barbie para sa isang series at may upcoming movies pa.-- FRJ, GMA Integrated News