Inihayag ni Roi Vinzon ang kahalagahan ng magandang pag-uugali sa showbiz ngayong pinasok na rin ng dalawa niyang anak ang naturang industriya.

“‘Pag bata ka, ‘yung attitude, ‘di ba? Ang attitude natin dapat baguhin talaga,” sabi ni Roi sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

Kaya naman ito ang kaniyang ipinapayo sa mga anak na pumasok na rin sa showbiz na sina Lala at Antonio.

“Anything you do, attitude lahat. Kasi sa showbiz, hindi ka kukunin kapag masama ang ugali mo. Number one ‘yon,” saad ng action star.

Inalala ni Roi ang kaniyang karanasan noon na hindi nakakakuha ng mga proyekto ang mga artistang mahirap pakisamahan.

“Maraming magaling? Puwede nating turuan ‘yan. Walang masyadong pangalan? Bigyan natin ng pangalan. [Pero] mahusay makisama,” saad niya.

Inilahad nina Lala at Antonio ang kanilang pangako sa kanilang mga magulang ngayong pareho na silang nasa showbiz industry.

“Hindi ko sila bibiguin, at itutuloy ko ang pangarap ko,” sabi ni Antonio.

Si Lala naman, patuloy na kokonsulta sa amang si Roi kahit kaya niya nang tumayo sa mga sariling paa.

“Hindi ko maipapangako na magiging perpekto akong anak, pero habambuhay po akong sasandal sa kanila kahit kaya ko na ang sarili ko. Gusto kong iparamdam na nandiyan pa rin sila,” sabi ni Lala.

Mapapanood si Roi sa upcoming Kapuso drama-action series na “Black Rider,” na pagbibidahan nina Ruru Madrid, Yassi Pressman, Kylie Padilla, Katrina Halili, Rainier Castillo, Empoy Marquez, Janus del Prado, Jayson Gainza, Matteo Guidicelli, Jon Lucas, Isko Moreno, Joaquin Domagoso at marami pang iba.

Makakasama rin ni Roi ang mga kapwa niya action star na sina Monsour Del Rosario, Raymart Santiago, at Gary Estrada. -- FRJ, GMA Integrated News