Nagsalita na si Bianca Manalo tungkol sa kumakalat na mga mensahe sa social media na pinapalitaw na may relasyon sila ng kaniyang katrabaho sa seryeng “Magandang Dilag” na si Rob Gomez.

Sa pahayag ng beauty queen-actress na ipinost sa Instagram, iginiit niya na walang katotohanan ang mga hinala na may romantiko silang ugnayan ni Rob.

"Let me clear all the false rumors circulating on the internet," saad niya. “Rob Gomez and I are friends and co-workers. He was going to bring Christmas gifts and I wanted to receive them early before I leave for the airport.”

Idinagdag ni Bianca na may mga parte sa kanilang palitan ng mensahe ni Rob na inalis sa mga naka-post na screenshots.

“It is upsetting that our conversations were exposed without my consent, which is a breach of privacy and the cause of so much online bashing,” ani Bianca. “It is obvious that parts of our conversation were deleted to create malicious insinuations."

Ayon sa aktres, masakit sa kaniya at sa mga mahal niya sa buhay ang mga alegasyon.

“Let this controversy end so I can enjoy the rest of my time in Japan with my family,” hiling niya.

“Let us spread love and the truth this holiday season. Merry Christmas, everyone,” dagdag ni Bianca.

Si Bianca ay longtime girlfriend ni Senador Win Gatchalian. Samantalang inaayos naman ni Rob ang kaniyang relasyon sa dating partner at beauty queen na si Shaila Rebortera, na mayroon siyang isang anak na si Amelia.

Bukod kay Bianca, may kumalat din sa social media na palitan umano ng mensahe nina Rob at “Magandang Dilag” lead star na si Herlene Budol.

Sa post ni Herlene sa X (dating Twitter), nagtanong ang aktres ng, “Bakit ako nakaladkad?"

“Pag dedicated ka sa trabaho, gagawan ka ng issue!,” patuloy ni Herlene.

Sa isang panayam noon sa "Fast Talk With Boy Abunda," sinabi ni Rob na single siya pero may nililigawan.

Ang naturang pahayag ni Rob ang naging dahilan para magkaroon ng lamat ang relasyon nila ni Shaila na inaayos na niya ngayon.

Humingi siya ng paumanhin sa kaniyang sinabi.

MAY KUMUHA SA CELLPHONE

Sa panayam ng PEP.Ph, sinabi ni Rob na may kumuha ng kaniyang cellphone at ginamit ito nang walang pahintulot niya.

“Worse is that the person who took my phone posted pictures of mine in my own social media account pretending that I posted it with the intention of destroying my reputation," sabi ng aktor.

“The videos as shown were among my friends and co-stars who was trying to cheer me up when I was going through a lot of hurdles in my life,” dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News