Isa-isang sinagot ni Raheel Bhyria ang tanong sa "Fast Talk with Boy Abunda," kung niligawan ba niya sina Andrea Brillantes, Francine Diaz, at Jillian Ward?

Sa episode ng naturang programa ni Tito Boy nitong Miyerkules, mabilis ang naging sagot ni Raheel na hindi niya niligawan sina Andrea at Francine, habang tila nag-i-sparring sila ng TV host sa suot silang boxing gloves habang nagtatanungan.

Pero tila nahirapan ang binata na sumagot nang tungkol kay Jillian na ang tanong.

Kaya naman natatawang sinabi ng King of Talk sa kaniya na marami siyang sinasabi gayung "yes" or "no" lang naman ang dapat niyang isagot.

"Sobrang close namin," sabi ni Raheel na sasabak din sa amateur boxing at may nakatakda na siyang laban.

Sabi pa ng binata, “In the future, gusto ko po sanang—I want to be closer with her, so kung ligawan ‘yung way to get closer with her, then...“

Nitong nakaraang Valentine’s Day, sinorpresa ni Raheel si Jillian ng bouquet of pink tulips at chocolate bars.

Noong 19th birthday naman ni Jillian noon ding Pebrero, hinintay ni Raheel na hatinggabi bago siya nagtungo sa bahay ng dalaga para magdala ng regalo, kasama ang isang puting pusa.

Magkasama sina Raheel at Jillian sa hit afternoon series na “Abot-Kamay na Pangarap," na kinabibilangan din nina Carmina Villarroel, Richard Yap, Kazel Kinouchi, Pinky Amador, at marami pang iba.— FRJ, GMA Integrated News