Bukod sa pagiging "man's best friend," ipinakita ng dalawang aso ang kabayanihan nang masawi sila matapos sagipin ang batang magkapatid na amo sa nasusunog nilang bahay sa Upper Bicutan, Taguig.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng uploader na si Rommel Tuyay na niligtas nina Sakura at Berry ang natutulog nilang mga batang amo sa gitna ng sunog.

Lumapit ang mga aso at kinagat-kagat ang mga bata para magising.

Ayon kay Tuyay, pababa na sila ng hagdan nang madaganan ng nahulog na yero ang kanilang fur babies.

Pinilit pa ng magkapatid na iligtas din ang mga alaga pero hindi na sila nakatuloy dahil sa lubhang peligro.

Hindi na nagawang makalabas ng mga aso.

Kahit malungkot, malaki ang pasasalamat ng pamilya ng mga bata sa ipinakitang sakripisyo nina Sakura at Berry. — Jamil Santos/VBL, GMA News