Arestado ang isang lalaki na halos anim na taong tinutugis ng pulisya sa kasong attempted rape sa Bulacan.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Marte naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group - Detection and Special Operations Unit (CIDG - DSOU) sa Pasig City ang suspek na kinilalang si Erick Solis.

“2017 pa actually nangyari, [pero] ngayon lang siya na-trace dahil nag-iba iba siya ng pangalan,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Olivia Sagaysay CIDG - DSOU Chief.

Positibong kinilala ng complainant si Solis nang ipakita sa kanya ang itsura nito sa isang video.

Napag-alaman din na nakulong na raw ang suspek sa pagkakasangkot sa ilegal na droga sa ilalim ng "Oplan Tokhang" ngunit nakalaya rin ito kalaunan.

Samantala, itinurn-over na ang suspek sa Pulilan Municipal Police Station na tumanggi namang magbigay ng pahayag sa GMA Integrated News. -Sherylin Untalan /VAL, GMA Integrated News