Nasawi ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos pagbabarilin sa Barangay Lambakin sa Marilao, Bulacan pasado alas onse ng Martes. Nagtamo ang mga bitkima ng mga tama ng bala ng baril sa katawan. May nakuhang pagkakakilanlan sa 34-anyos na lalaking biktima.Hindi pa naman tukoy ang pagkakakilanlan ng babaeng biktima na sa tantiya ng mga awtoridad ay higit 20-anyos. Kuwento ng mga residente, ikinagulat nila nang makarinig ng mahigit sa limang putok ng baril.“May narinig po kaming sunod sunod na putok ng baril tapos hindi namin pinansin ‘yon kasi may ginagawa po kaming sasakyan sa kabilang kanto lang po. Nung may sumigaw na may bumulagta sumilip po kami, hindi kami basta basta lumapit kasi baka mamaya andoon pa bumaril eh,” sabi ng residente na humiling na itago ang kanyang pagkakakilanlan. Hindi na muna nagpaunlak ng panayam ang Marilao Police na iniimbestigahan pa ang posibleng motibo sa krimen. Sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na ang mga biktima nang paputukan ng gunman halos limang metro ang layo sa inuupahan nilang bahay. Nakasakay din sa motorsiklo ang salarin na nakasuot ng itim na long sleeves at face mask.Ang barangay naman ay limitado lang din ang impormasyong nalalaman kaugnay sa mga biktima.“Hindi po namin masyado kilala yung mga tao na yon dahil sabi ng mga kapitbahay dalawang linggo pa lang sila nakatira dyan kaya hindi namin malaman kung residente rito yan o saan galing,” ani Joseph Yapit, BPSO team leader ng Brgy. Lambakin. Nang iproseso ng SOCO, nakuha ang nasa 38 sachet ng umano’y shabu mula sa bulsa ng shorts ng lalaking biktima. May nakita ring baril na nakasukbit sa kanyang bewang. Sa motorsiklo, nakuha ang dalawang cellphone at mga drug paraphernalia. Aabot sa siyam na basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng pamamaril.Nagkasa na ng follow-up operation ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin. —LDF, GMA Integrated News