Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos aksidenteng mabaril ang sarili at matuklasang hindi lisensiyado ang baril na kaniyang dala sa Barangay San Agustin, Malabon City.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita sa video ang lalaki na nakabenda ang kaliwang kamay at may bakas pa ng dugo sa damit habang nasa isang bar noong Sabado.

Ayon sa ulat, aksidente umanong nabaril ng lalaki ang sarili habang nakikipag-inuman sa mga dati niyang katrabaho.

Batay sa pahayag ng barangay, naroon sila sa lugar matapos makiusap ang isang residente na magbantay dahil may umano’y magnanakaw na umaaligid sa lugar.

Kalaunan, bigla silang nakarinig ng putok ng baril.

“Naalarma kami, akala namin may pumutok na gulong, ganiyan,” sabi ni Joselito Dela Cruz, BPSO ng Barangay San Agustin, Malabon.

Nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay at binti ang lalaki, at agad itong nilapatan ng paunang lunas ng Malabon DRRMO.

Sa imbestigasyon, natuklasan ng mga awtoridad na hindi lisensiyado ang baril na dala ng lalaki.

“Nung tinanong nila ‘yung nasugatan kung may kaukulang dokumento o lisensiya siya ng baril, wala siyang maipakita. Doon na siya tuluyang inaresto ng mga pulis,” sabi ni Police Master Sergeant Michael Oben, imbestigador ng Malabon City Police.

Depensa ng lalaki, nagdala siya ng baril bilang proteksiyon laban sa mga umano’y nagnanakaw ng motorsiklo. Aniya, kinalikot niya ang armas nang bigla itong pumutok.

“Nilalagyan ko lang siya ng bala, tapos hindi kasiya. Napukpok ko, tapos pumutok. Paggising ko po, nasa ambulansiya na ako. Lesson learned sa akin ’to. Perhuwisyo talaga,” sabi ng suspek.

Nakakulong na ngayon sa Malabon City Police Station ang lalaki at nahaharap sa reklamong illegal possession of firearms.—MCG GMA News