Apat na tao ang nasawi matapos masunog ang isang townhouse sa Road 10 sa Barangay Bahay Toro, Quezon City nitong Martes. Ang mga labi ng mga biktima, nakita sa banyo.
Ayon kay Quezon City Fire Marshal Supt. Don Samillano, kabilang sa mga nasawi ang dalawang senior citizen na edad 61 at 63, at dalawa pa nilang kasama na edad 41 at 51, ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB.
Natagpuan ang mga biktima sa loob ng isang banyo upang matakasan ang apoy.
4 patay, sa sunog na sumiklab sa isang townhouse apartment sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City. | via @SurfaceCarlo pic.twitter.com/UkoS8ByVpQ
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 15, 2026
Isang residente naman ang nakaligtas matapos makalabas sa nasusunog na gusali, ayon sa ulat.
Sinabi ni Samillano na nag-iisa lang ang pasukan at labasan sa naturang gusali.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at idineklarang naapula dakong 5:10 ng hapon.
Ayon kay Samillano, walang natanggap na tawag sa telepono ang QC Fire Department tungkol sa sunog. Sa halip, isang tao na nakasakay sa motorsiklo ang personal na nag-report ng insidente sa Bureau of Fire Protection.
Patuloy na inaalam ng mga imbestigador upang alamin ang sanhi ng sunog. —FRJ GMA News
