Kung dati ay mga matatanda lamang ang nakararanas ng stroke, ngayon, nagkakaroon na rin ng kaso ng mga bata na nai-stroke. Anu-ano kaya ang mga sanhi nito at ano ang dapat gawin? Alamin.
Sa programang “Unang Hirit” nitong Martes, binalikan ang isang episode sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” kung saan ilang bata ang na-stroke, kabilang ang isang 10-taong-gulang na lalaki, at sanggol na anim na buwang gulang pa lamang.
Ipinaliwanag ni Dr. John Aldwin Co, neurologist mula sa Philippine Neurological Association, posibleng “non-traditional” o mga hindi pangkaraniwang risk factors ang sanhi nito na walang kinalaman sa lifestyle.
“Maaaring may abnormal development, meron pong genetic abnormality, mga namamana po, o 'di kaya mga infection na puwede magbigay daan sa pamamaga ng mga ugat natin sa utak,” sabi ni Dr. Co.
Dagdag ni Co, posibleng makuha ang impeksiyon sa pagbubuntis ng ina, mga impeksiyon sa utak, o kahit mga respiratory infection gaya ng tuberculosis.
Posibleng mamana
Ayon din kay Dr. Co, “Meron pong portion na namamana po, especially sa ganu'n klaseng edad na medyo bata pa po. So, very important na ‘pag meron pong risk factors o family history, kailangan talaga na pagtuunan ng pansin o nakakalkal natin kung ano 'yung mga history ng mga sakit sa mga kamag-anak.”
Ilan sa mga sintomas ng stroke na dapat bantayan ang pagkatabingi ng mukha, pagkautal magsalita, o biglang panghihina ng kalahati ng katawan o pagmamanhid.
“Halimbawa, kapag nagkaroon ng panghihina sa kanang bahagi ng katawan, ang isipin natin, maaari pong naapektuhan ‘yung kaliwang parte ng utak. At kung kabila naman po, sa kabilang parte naman ng utak ang naapektuhan,” anang neurologist.
Kadalasang pumuputok ang middle cerebral artery dahil sa pagtaas ng blood pressure o hindi nakokontrol na hypertension. Sa tuwing nangyayari ito, bumibigay o nagra-rupture ang lining ng artery na nagdudulot ng hemorrhagic stroke.
Ayon pa sa neurologist, normal ang makaramdam ng pananakit ng ulo kapag nagme-maintenance dahil sa taas ng blood pressure.
“Dahil kapag meron pong masakit sa katawan natin, normal na reaction ng katawan na tataas ang blood pressure. Pero at the same time, ‘pag mataas ang blood pressure, puwede ring magbigay daan sa sakit ng ulo,” paliwanag niya.
Ipinayo ni Dr. Co ang tinatawag na “golden hour” na tatlo hanggang apat at kalahating oras na dapat madala ang pasyente sa ospital kapag nakaranas ng stroke.
“We live by the adage that ‘time is brain’ po. Meaning, kapag as soon as possible na early recognition na merong signs of stroke ang isang pasyente, pinakamaganda na madala kaagad sa pinakamalapit na ospital, na paggamutan para mabigyan ng karampatang gamot,” sabi niya.
Tunghayan sa video ang buong talakayan sa naturang usapin. Panoorin. – FRJ GMA News
