Nakakuha ng 16 na puwesto ang Bangsamoro Federal Party (BFP), habang 15 naman ang napanalunan ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa makasaysayang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na idinaos nitong Lunes.

CLICK HERE: Resulta ng BARMM parliamentary elections alamin

Walong puwesto naman ang napanalunan ng BARMM Grand Coalition, habang isang puwesto ang nakuha ng Raayat Democratic Party, ayon sa canvass report ng Commission on Elections (Comelec) para sa Regional Parliamentary Political Party.

Labintatlong partido ang lahat ng lumahok sa naturang halalan.

Itinuturing ang resulta ng halalan na malaking hakbang sa transisyon ng BARMM mula sa interim government patungo sa regional parliament na inihalal ng mga tao ang mauupo.

Nauna nang iniulat ng Comelec na natanggap na nito ang 99.29% ng Election Returns sa kauna-unahang halalan sa BARMM.

Pagsapit ng 10:33 pm nitong Martes, ipinakita sa Comelec dashboard na natanggap na ng poll body ang 5,175 election returns (ERs) mula sa inaasahang 5,212.

Natanggap na rin nito ang lahat ng 108 certificate of canvass mula sa mga lungsod at munisipalidad.—FRJ GMA News