Isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho bilang receptionist sa isang spa sa Kuwait ang sugatan dahil sa pambubugbog at pananaksak ng mga lasing na customer na Kuwaiti.

Ayon sa ulat ni Lala Roque sa "Quick Response Team" nitong Martes, nakatamo ang Pilipino ng sugat sa pananaksak sa kaniyang tagiliran, ulo, likod at iba pang parte ng katawan.

Duguan man, nakapunta pa rin ang Pinoy sa ospital at saka ito nagsumbong sa Kuwaiti police.  

Sinampahan na ng kaso ang dalawa sa tatlong hindi pa nakilalang lalaki at hinahanap na sila ng mga awtoridad.

Tiniyak naman ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang pagtulong nila sa Pinoy.

"Tayo sa embahada, we will get to the bottom of this case. We will help him find a lawyer, or help him file a case with a lawyer na ipagkakaloob sa kanya ng embahada. At sisiguraduhin natin na imo-monitor natin itong kasong ito para mabigyan siya ng karampatang hustisya," ani Vice Consul Adrian Audrey Baccay.

Ayon sa biktima, nagsimula ang gulo nang tanggihan ng Pinoy ang pagpasok ng tatlong lalaking mga nakainom.

Dahil sa pagpigil sa kanila, nakipagtalo ang isa sa mga customer at naglabas ng pera upang ipamukha na handa silang magbayad.

Nang tanggihan ng Pinoy ang pera, inihagis ito ng customer sa kanyang mukha.

Agad namang pinulot ng biktima ang tinapong pera at saka ibinato ito pabalik.

Hinila ang batok ng Pinoy pero naitulak niya palayo ang lalaki.

Matapos nito, pinagtulungan siya ng dalawang customer kung saan lumabas na ang Pinoy sa counter at sinugod ang isang lalaki. 

Hindi na nakita sa CCTV ang mga sumunod na pangyayari pero ayon naman sa Pinoy, sinuntok raw siya sa mukha.

Pero hindi doon natapos ang gulo dahil nang magsasara na ng spa, bumalik ang mga nakaaway na customer na mayroon nang mga takip sa mukha.  Inundayan siya ng isa sa mga lalaki ng saksak.

Sakabila ng sugat, gumanti naman ang Pinoy ng sipa at suntok.

Nang umalis na ang mga suspek, nagpunta sa ospital ang Pinoy at mag-report sa pulis. —Joahna Lei Casilao/LDF/FRJ, GMA News