Umangat na sa 448 ang bilang ng mga Pinoy sa abroad na nagpositibo sa COVID-19 sa iba't ibang bahagi ng mundo. Sa South Korea, dalawang Pinoy pa ang nagpositibo sa naturang virus.

Sa datos na inilabas ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes, sinabing 48 na kaso ang nadagdag sa listahan ng mga Pinoy sa abroad na may COVID-19.

Nadagdagan naman ng isa ang nasawi, para umabot na sa 14 ang Pinoy sa abroad na pumanaw dahil sa naturang virus.

Una rito, inanunsyo ng DFA ang pagpanaw ng embahador ng Pilipinas sa Lebanon na si Bernardita Catalla dahil sa komplikasyon sa COVID-19.

Samantala, 121 naman ang mga gumaling na at 313 naman ang nananatiling ginagamot at nagpapagaling.

Samantala, dalawang Pinoy pa sa South Korea ang nadagdag sa listahan doon ng positibo sa COVID-19.

Ayon sa DFA, ang dalawa ay kaanak ng unang Pinoy na naging COVID-19 patient.

"The embassy is in close coordination with the Korean Centers for Disease Control and Prevention (KCDC) and local health authorities, and stands ready to provide assistance to the COVID-19 positive Filipino nationals as needed," ayon sa pahayag ng DFA.

Hindi malinaw kung kasama ang naturang dalawang bagong kaso sa Korea, sa bagong listahan na inilabas ng DFA tungkol sa mga Pinoy sa abroad na positibo sa COVID-19.--FRJ, GMA News