Natuklasan na pinatay at inilibing ng kaniyang mister ang isang Pilipina na dalawang taon nang nawawala sa Colorado, USA.

Kinilala ang biktimang si Jepsy Amaga Kallungi, 28-anyos, ayon sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes.

Natunton at nadakip naman sa New Mexico ang suspek na mister ng biktima na si Dane Kallungi.

Ayon sa pulisya, inamin ng suspek na pinatay niya sa sakal si Jepsy at inilibing ang bangkay nito.

Sinabi ng ina ng biktima na huli niyang nakausap ang kaniyang anak dalawang taon na ang nakararaan.

Sa kanilang pag-uusapan, ipinagtapat daw ng anak na palagi silang pag-aaway ng kaniyang asawa.

Inihahanda na ang extradition ng suspek pabalik sa Colorado.

Makikipagtulungan naman daw ang suspek para ituro kung saan niya inilibing si Jepsy.

Nanawagan ang mga kaanak ng biktima sa gobyerno ng Pilipinas at Philippine embassy sa Washington D.C. na tulungan silang maibalik sa bansa ang labi ni Jepsy.--Jamil Santos/FRJ, GMA News