Nasawi ang isang Pilipina na nagplanong makipaghiwalay sa kaniyang Amerikanong nobyo matapos siyang barilin umano nito sa North Dakota, USA.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon na naisugod pa ang biktimang si Arnalene Rapalam sa ospital, pero namatay din ang biktima kalaunan.

Nahuli na ang salarin na si Eric Venn na ngayon ay nakakulong sa Ward County Jail.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pulisya hinggil sa motibo ng suspek sa krimen.

Pero sinabi ng mga kaibigan ng biktima na may pinag-awayan sina Rapalam at ang nobyo nito bago ang insidente ng pamamaril.

Maliban dito, nagbalak na rin si Rapalam na hiwalayan ang kaniyang boyfriend.

Ngayon, kumakalap ng pondo ang mga kaibigan ng Pinay para maiuwi ang kaniyang bangkay sa Pilipinas.

Naulila ni Rapalam ang kaniyang anak na lalaki. —Jamil Santos/LBG, GMA News