Dobleng dagok ang nararanasan ng isang pamilyang Filipino sa Dubai matapos mamatay ang isang-taong gulang nilang anak.

Namatay ang 1-anyos na si Luther Ezekiel sa COVID-19, at nagpositibo rin sa virus ang kanyang ina.

Pahayag ni Roxy Sibug, ina ng bata, masayahing bata at masigla si Luther. Pero noong July 31,  nilagnat ito kaya dinala nila agad sa clinic doon.

Sa panayam sa GMA News, sinabi ni Roxy: "39 yung lagnat niya. Nagulat kami. So, ang sabi sa amin, 'na-test naba ng COVID-19 ito?' Sabi namin hindi, gawin nyo po, i-test ninyo kasi nagkasakit yung asawa ko."  

Sabi ng tatay ni Luther, sumakit daw ang ulo niya at saka sininat isang linggo bago lagnatin si Luther.

Matapos resitahan ng vitamins at gamot para sa lagnat ang bata, pinauwi muna sila ng staff ng clinic. Kinabukasan, nakumpirma nilang positibo sa covid ang anak.

Nawala naman daw ang lagnat ni Luther dahil sa gamot at sumigla ito uli. Pero matapos ang dalawang araw, napansin daw ni Roxy na namamaga ang mga mata ng anak at nanghihina ito.

“Dinala namin siya sa hospital, na-blood test siya, kinuhanan siya ng temperature, kinuhanan siya ng urine, walang nakitang problema. Sabi sa amin ‘mommy, your son is completely okay, there’s nothing wrong with your baby, so you can go home’,” salaysay ni Roxy.

Pero habang pauwi umano, ramdam na ng mag-asawang mahina na si Luther. Kinabukasan, namumutla na raw ito at lumala ang kondisyon.

Kaya, dinala nila uli si Luther sa ospital.

“Yung tsinek yung heart niya, nalaman na namamaga ang heart niya dahil sa COVID-19,” pagbabahagi ng emosyunal na ina.

Matapos i-intubate si Luther, pinauwi na raw sa bahay sina Roxy. Pero matapos ang ilang oras, pinabalik daw silang mag-asawa sa ospital dahil bumababa ang blood pressure ng bata. 

Pagdating nila sa ospital naabutan nilang nire-revive na ng mga doktor si Luther, pero hindi na kinaya ng bata.

Wala raw makaramay ang mag-asawa nang mawalan sila ng anak, dahil positibo rin sa COVID-19 si Roxy.

Kasalukuyan silang naka-isolate sa kanilang bahay sa Dubai.

Payo ni Roxy sa mga magulang, “kailangang mag-ingat kayo kung mahal ninyo ang inyong mga anak. Hindi pedeng babalewalain ito [COVID-19] kasi hindi siya joke, eh.”—LBG, GMA News