Naaresto na ang lalaking suspek sa pag-atake at pagsasalita ng racist slur umano sa isang pamilyang Pilipino sa isang fast-food joint sa California noong Mayo.
Kinilala ang suspek na si Nicholas Weber, 31-anyos, na dinakip ng Los Angeles Police Department noong Hunyo 21 at ikinulong sa Los Angeles County Jail.
Inirekomenda ang $300,000 piyansa para sa panandaliang paglaya ni Weber.
Base sa mga record ng korte, mayroon pang ibang criminal record si Weber bago ang kanyang pag-atake sa pamilya Roque. Kabilang na rito ang domestic violence at pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak, at paglabag sa kanyang probation.
Matapos ang kanyang pag-atake sa pamilya Roque, dahilan para maakusahan siya ng hate crime, sangkot din si Weber sa pagnanakaw at pagiging lasing habang nasa publiko.
Ikinasiya naman ni Patricia Roque, isa sa mga biktima, ang pagkakadakip kay Weber.
"I'm relieved that he's been apprehended, but our fight doesn't stop here. We still don't know how his case will be handled but I'm hopeful that my family and I will get the justice that we deserve," saad ni Patricia sa GMA News sa isang mensahe.
Ayon kay Patricia, nang bibili lang sana silang pamilya ng pagkain sa isang fastfood restaurant sa North Hollywood nang banggain ni Weber ang kanilang sasakyan noong Mayo 13.
Sa halip na makipag-areglo ang suspek, sinaktan umano sila nito at pinagsalitaan ng racist slur.
Matapos banggain ni Weber ang kanilang sasakyan, tinawag ni Patricia ang kaniyang amang si Gabriel Roque para humingi ng tulong.
Nang komprontahin na ni Gabriel si Weber, tinangka ng suspek na buksan ang pinto ng kanyang sasakyan, saka siya sinapak at inihagis umano sa sahig ng suspek.
Nang tumulong naman ang ina ni Patricia na si Nerrisa, maging siya ay sinaktan ng suspek, ayon kay Patricia.
Ikinalugod din ng Filipino community sa US ang pagkakaaresto kay Weber. —LBG, GMA News