Apektado ang pagkilos at kabuhayan ng ilang residente sa Dagupan City dahil sa mag-iisang buwan nang pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan, high tide, at pag-apaw ng Ilog-Sinucalan at Pantal River.
Sa ulat ni Sendee Salvacio ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing may baha pa rin sa mahigit 200 barangay sa 12 bayan at mga lungsod sa Pangasinan.
Nilulumot na rin ang ilang kalsada dahil na rin sa tagal ng baha kaya nadudulas ang mga residente. Kaya naman puspusan ang kanilang paglilinis para makaiwas sa disgrasya.
Kaniya-kaniya namang diskarte ang ilan pa para makalipat sa mas mataas na bahagi ng kanilang mga bahay nang hindi na bababad sa baha.
Batay sa tala ng Pangasinan PDRRMO, may mga naitatala pa ring mataas na antas ng pagbaha dahil sa pagtaas din ng antas ng mga major river system.
Nakadagdag pa rito ang pagbaba ng tubig mula sa mga matataas na lugar.
Sa ngayon, 219 barangay pa rin ang binabaha, kasama na ang mga bayan ng Mabini, Aguilar, Binmaley, Bugallon, Lingayen, Mangatarem, Calasiao, Santa Barbara, Mangaldan, at Bautista, maging ang San Carlos City at Dagupan City.
Nakatutok din sa sitwasyon ng kalamidad ang Office of the Civil Defense Region 1.
Batay sa pinakahuling ulat, apektado na ang halos dalawang milyong katao dahil sa epekto ng Habagat sa buong Region 1.
Sinabi ng Pangasinan PDRRMO na marami pa ring mga LGU sa kasalukuyan ang nagsasagawa ng paglikas, lalo na sa mga binabaha pa ring residente.
Tumaas pa nitong Miyerkoles ang bilang ng mga nasa evacuation centers na umabot na ngayon sa mahigit 3,500 pamilya o katumbas ng mahigit 11,000 mga indibiduwal. – Jamil Santos/FRJ GMA News
