Hindi na kailangan sumakay sa airbeds ang mga estudyante at residente para makatawid sa Tarlac River matapos na buksan na ang pontoon bridge para magamit ng mga tao sa Tarlac City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing binuksan na ng lokal na pamahalaan ng Tarlac City ang pontoon bridge na magsisilbing alternatibong daanan ng mga tao.

Makatutulong ang alternatibong tulay para sa mga pupunta sa kanlurang bahagi ng lungsod.

Tiniyak ng mga awtoridad na ligtas tawirin ang pontoon bridge. Nagsagawa rin ng load test ang City Engineering Office ng Tarlac upang masiguro ang katatagan nito.

Naipatayo ang tulay sa tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Bilang pag-iingat, pinayuhan ang gagamit ng tulay huwag tumakbo o tumalon. Ipinagbabawal din ang pagtawid dito kapag nakainom ng alak at iwasan ang pagsisiksikan.

Nitong nakaraang Setyembre, nag-viral ang ilang estudyante na gumamit at sumakay ng airbed para makatawid sa ilog.

Naging pahirapan ang pagtawid sa ilog matapos na masira ang Agana Bridge dahil sa ragasa ng tubig sa ilog sanhi ng malakas na pag-ulan.—Jean Mangaluz/FRJ GMA News