Isang Amerikano ang dinakip ng mga awtoridad nitong Miyerkules matapos umanong gawing sex slave ang siyam na babae sa tinutuluyan nitong condominium unit sa Barangay Camputhaw sa Cebu City.
Sa ulat ni Joann Gantalao ng Super Radyo Cebu sa Super Radio dzBB nitong Huwebes, sinabing isang menor de edad na babae ang kabilang sa siyam na babaeng nasagip mula sa condo unit ng 52-anyos na suspek na mula sa Missouri, USA.
Isinagawa ng mga awtoridad ang pagsalakay sa condo unit ng suspek matapos makapagpadala ang menor de edad na biktima ng chat message sa kaniyang mga magulang tungkol sa kanilang kalagayan sa lugar ng dayuhang suspek.
Bukod sa nailigtas ang mga babae, may nakita rin umanong ilegal na droga sa lugar ng dayuhan na nakapiit na ngayon at mahaharap sa kaukulang reklamo.
BABALA: Sensitibong Balita Isang Amerikano, inaresto matapos umanong gawing sex slave ang 9 na babae sa condo Brgy. Camputhaw, Cebu City. | via Joann Gantalao, Super Radyo Cebu https://t.co/LB3DIKYWJS
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 15, 2026
Isasailalim naman sa intervention at stress debriefing ng mga tauhan ng kapulisan at Department of Social Welfare and Development ang mga nasagip na babae.– FRJ GMA News

